Naitalang sugatan sa paputok, umakyat na sa 29: DOH

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 08:48 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Umakyat na sa higit 20 ngayong Martes ang bilang ng mga naitalang sugatan dahil sa paputok, ayon sa Department of Health (DOH).

Lumobo sa 29 ang bilang ng mga naitalang sugatan dahil sa paputok mula sa limang insidenteng naitala ng DOH noong Lunes.

Nakapagtala rin ang DOH ng tatlong kaso ng naputulan ng daliri.

Sa kabila ng mahigpit na pagbabawal at kautusang ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte, mayroon pa ring mga sugatan at naputulan ng daliri dulot ng mga ilegal ng paputok.

Kabilang sa mga sugatan si alyas "Boy," na nahiwa ang mga daliri matapos masabugan ng piccolo.

Kuwento ng ina ni Boy, akala niya'y mag-a-almusal lang ang biktima pero nagpaputok na pala ito.

Tatlong menor de edad din mula sa Naga City ang sugatan dahil sa piccolo.

Pero ayon kay Health Assistant Secretary Lyndon Lee-Suy, mas mababa ang bilang ng mga naitalang insidente ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.

"Mababa tayo ng 59% this year," ani Lee-Suy. "Hopefully, nagbibigay ng trend itong nakaraang limang araw. Sana magpatuloy ang baba ng bilang ng mga injuries."

Disyembre 21 nang simulan ng DOH ang pagtala sa mga insidente, na tatagal hanggang Enero 5.

Noong 2016, umabot sa 630 ang naitalang sugatan dahil sa paptuok, na ayon sa DOH ay mas mababa ng 32% kumpara noong 2015.

Una nang ipinahayag ng DOH na target nilang bumaba ang bilang ng mga sugatan sa paputok.

Samantala, tatlo ang naitalang sugatan dahil sa ligaw na bala, ayon sa mga ulat na natanggap ng Philippine National Police mula Disyembre 16 hanggang 26.

Pito naman ang arestado sa kasong illegal discharge of firearms, kabilang ang dalawang pulis at isang barangay kagawad.

-- Ulat nina Kori Quintos at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.