Mister patay, misis na buntis sugatan sa banggaan sa Iloilo

Jenel Baclay, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 05:35 PM

ILOILO CITY - Patay ang isang taxi driver habang sugatan naman ang buntis niyang misis matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang tricycle sa Barangay Lanit sa Jaro, Lunes ng gabi.

Nanggaling ang mag-asawang Remir at Ruby Ibsernas sa Christmas party ng pinapasukang kompanya ni Remir.

Dead on arrival sa West Visayas State University Medical Center si Remir dahil sa natamo nitong tama sa ulo. 

Biglang lumiko umano ang motorsiklo ng mag-asawa kaya tumama ang motor sa tagilirang gulong ng tricycle, ayon sa nagmamaneho nito na si Franco Bulahan.

Sinubukan umano ni Bulahan na iwasan ang pagbangga, ngunit masyadong mabilis ang takbo ng motor ni Ibsernas.

Pansamantalang nakakulong sa Jaro PNP si Bulahan na nahaharap sa kasong reckles imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.