May-ari ng ahensiyang nagbenta ng 'pekeng' plane tickets sa Hong Kong arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 08:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaresto nitong Lunes ang may-ari ng travel agency sa Hong Kong na nagbigay ng pekeng tickets sa higit 100 overseas Filipino workers (OFWs) na uuwi sana sa bansa para magdiwang ng Pasko.

Hinuli ng Hong Kong police si Rhea Donna Boyce, may-ari ng Peya Travel Agency, matapos ireklamo ng higit 600 biktima na karamiha'y mga dayuhan.

Bumili umano ang mga nagreklamo ng airline tickets pero wala silang nakuhang valid na tiket.

Umabot sa HK$3 milyon o higit P19 milyon ang kabuuang halaga na nakuha ng ahensiya.

Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang ilang dokumento at computers sa ahensiya.

Noong nakaraang linggo, idinulog ng OFW na si Vicky Delino sa ABS-CBN News ang reklamo sa ahensiya.

Kuwento ni Delino, Hulyo pa lang ay bumili na siya ng tiket pauwi sa Pilipinas pero laking gulat niya nang malamang wala ang pangalan niya sa listahan ng mga pasahero sa airline.

Nagreklamo sa Philippine Consulate sa Hong Kong si Delino kasama ang higit 100 pang OFW.

Nakauwi si Delino noong Biyernes sa tulong ng isang airline na nag-alok ng discounted ticket.

"Hindi ko alam kung ano iyong dahilan nila kung bakit nagawa nila iyon ... itinaon pa nila ng December," ani Delino sa panayam ng ABS-CBN News.

"Sana ibalik niyo na lang ng maayos 'yong pera kasi mahirap kitain talaga," ani Delino.

Ayon kay Delino, ikinalungkot niyang kapwa Pilipino ang nanloko sa kanilang mga OFW na kumakayod sa Hong Kong.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.