LTFRB, sinuspende ang prangkisa ng ilang bus ng Partas

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 10:28 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagdesisyon na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendehin ang Partas bus company matapos hindi isumite ng kumpanya ang dashcam video ng pagsalpok ng jeep sa bus sa Agoo, La Union.

Sa video na ibinigay ng Partas sa LTFRB, makikita ang driver at mga pasahero ng Partas bus ilang segundo bago nito mabangga ang isang jeep madaling araw ng Pasko, Disyembre 25.

At nang maganap na ang salpukan, tumilapon at napaupo sa sahig ng bus ang ilang pasahero.

Makikita ring nagtayuan ang mga pasahero para tingnan kung ano ang nangyari.

Pero ang video na isinumite ng Partas sa LTFRB ay hindi ang mismong video na kailangan.

Ipinasusumite ng LTFRB sa Partas ang kuha ng dashcam na makikita ang labas ng bus at ang pagsalpok ng jeep.

Dahil hindi ito naibigay hanggang sa deadline Martes ng tanghali, ilalabas ng LTFRB sa Miyerkoles ang 30 araw na preventive suspension order laban sa kumpanya ng bus.

Pero sabi ni Attorney Aileen Lizada, tagapagsalita ng LTFRB, pitong bus lang sa apektadong prangkisa ng Partas ang masususpende.

Hiningan ng news team ng panig ang istasyon ng Partas sa Cubao pero tumanggi silang magbigay ng pahayag dahil patuloy pa ang imbestigasyon sa insidenteng ikinamatay ng 20 pasahero ng jeep.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Agoo Police, lumalabas na nasa tamang lane ang Partas at nag-overtake umano ang jeep.

Paalala ng road safety advocate na si Alberto Suansing, marami pang dapat ayusin pagdating sa engineering, enforcement, at edukasyon sa batas-trapiko na pangunahing mga elemento ng kaligtasan sa kalsada.

PAGLULUKSA NG MGA NAULILA

Watch more in iWant or iWantTFC

Naiuwi na sa kani-kanilang naiwang pamilya ang labi ng ilang namatay sa salpukan.

Kaninang hapon, dalawa pa lang ang naiburol pero ngayong gabi, inaasahang maibuburol ang 18 iba pa.

Naunang naiburol ang mga bangkay nina Manolito Lumboy at Vicky Cababag.

Si Marieta Cabradilla, hindi matigil sa paghagulgol dahil dalawang anak at anim na apo niya ang namatay sa salpukan.

Labis din ang hinagpis ni Aljean Cabradilla dahil namatay ang kaniyang buong pamilya.

Kahit nalulungkot para sa mga kaanak, nagpapasalamat pa rin si Johnny Cabradilla na nakaligtas ang kaniyang 5 taong gulang na anak na nagtamo lang ng gasgas sa likod, pisngi at dibdib.

Nagpapagamot naman sa ospital ang kaniyang asawa at isa pang anak.

Nakatindig na ang mga tolda sa basketball court ng Barangay Pilar, sa Bauang, La Union para sa burol.

Nangako ang lokal na pamahalaan na sasagutin ang mga gastusin sa pagpapalibing ng mga namatay.

Nagpapagaling pa sa Ilocos Training and Regional Medical Center ang siyam na nasugatan kabilang ang limang bata.

Dalawa sa mga biktima ang nasa kritikal na kondisyon.

Ayon sa LTFRB sa Ilocos region, pribadong jeep ang inupahan ng mga biktima.

Bibigyan din ng preventive suspension order sa pagmamaneho ang may-ari ng jeep bukas, Disyembre 27.

-- Ulat nina Adrian Ayalin, Teomar Bautista, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.