Lalaki patay, buntis sugatan sa aksidente sa Iloilo

Jenel Baclay, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 02:15 PM

ILOILO CITY - Patay ang isang rider habang sugatan naman ang kanyang buntis na misis sa aksidente sa Circumferential Road bahagi ng Barangay Lanit sa Jaro, Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Remir Ibsernas, isang taxi driver, na idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa mga tinamo nitong sugat sa ulo dulot ng aksidente. 

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na bumangga ang motor ni Ibsernas sa tricycle na minamaneho ni Franco Bulahan bandang alas-11 ng gabi.

Galing ang mag-asawa sa Christmas party ng GDR taxi at pauwi na sana nang maaksidente. 

Sabi ni Bulahan, biglaan umanong lumipat ng lane si Ibsernas. Sinubukan pa umano niyang iwasan ang motor pero masyadong mabilis ang naturang sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa aksidente.