Higanteng parol, nasunog sa gitna ng mall sa Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 07:29 AM | Updated as of Dec 26 2017 07:32 AM

Watch more in iWant or iWantTFC
Video courtesy: Dan Zky

Nagkagulo sa loob ng isang mall sa Taguig matapos masunog ang isang parol na nakasabit sa itaas ng activity center sa gitna ng gusali, Lunes ng gabi.

 

Bigla na lang umusok ang malaking parol sa loob ng Market! Market! at umapoy bago bumagsak sa activity area kung saan may nagaganap na sale ng mga damit, ayon sa saksing si Caesar Pagulayan.

"Yung iba nag-panic, nagsitakbuhan lahat. Katulad sa resto na pinuntahan namin, nawala na yung mga umoorder," kuwento ni Pagulayan.

Natupok ang ilang panindang damit habang agad na pinalabas ng mga guwardiya ng mall ang mga tao at itinabi ang ilang mga damit mula sa activity area bago tuluyang bumagsak ang parol. 

Naapula rin agad ang apoy ng mga tauhan ng mall gamit ang mga fire extinguisher.

Ayon sa Southern Police District, 2 tao ang nasaktan sa insidente at inasikaso ng rescue team ng mall.

Bumalik din sa normal ang sitwasyon sa mall pagkatapos ng sunog at nagsara sa normal na oras. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.