Devanadera: ERC acting commissioners hindi basta-basta maitatalaga

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 07:08 PM | Updated as of Dec 26 2017 11:50 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sinuspinde kamakailan ng Office of the Ombudsman ang apat na commissioner ng Energy Regulatory Commission (ERC). 

Ito ay dahil sa pagpabor umano nila sa Manila Electric Company (Meralco) sa pagpapalawig ng deadline ng competitive selection process para sa power supply agreements (PSA) na nagsisilbing garantiya sana ng mas magandang presyo ng kuryente para sa mga konsyumer.

Suspendido ang mga ERC Commissioners na sina Alfredo Non, Gloria Victoria Yap-Taruc, Josefina Patricia Asirit, at Geronimo Sta. Ana dahil sa "conduct prejudicial to the best interest of the service aggravated by simple misconduct and simple neglect of duty."

Kasunod ng suspensiyon, palaisipan ngayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera kung paano makakakilos ang ahensiya.

Isa sa mga lumutang na posibilidad ay tuluyan na lang sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apat na commissioner at magtalaga ng permanenteng kapalit nila.

Pero agad ding nilinaw ni Devanadera na kailangan pa munang dumaan ito sa proseso.

Dapat din aniya may pormal na reklamong nakahain sa Office of the President.

Ayon pa kay Devanadera, hindi puwedeng basta-basta na lang magtalaga ng acting commissioners dahil wala pang maituturing na bakanteng posisyon sa ngayon sa ahensiya.

Wala rin aniya sa patakaran ng ERC ang pagtatalaga ng pansamantalang kahalili.

Dagdag pa ni Devanadera, puwede pang dumulog ang apat na commissioners sa Court of Appeals at kalauna'y sa Korte Suprema.

Una nang nagbabala si Devanadera na puwedeng mauwi ang suspensiyon sa malawakang blackout kapag hindi naayos ang problema.

Hindi kasi aniya makakapagdesisyon ang ERC sa mga mahahalagang bagay tulad ng rehabilitasyon ng mga planta pati na mga isyung may kinalaman sa mga PSA.

'WALANG MIDNIGHT DEALS'

Hindi naman kumbinsido sa sinasabi ng ERC ang grupong Alyansa para sa Bagong Pilipinas (ABP) na unang nagsampa ng reklamo sa Ombudsman.

"We, consumers, are being bluffed. Kung ang issue doon, if there is a vacancy now then nakikita namin, well it's time dapat ngayon magpa-bid ng mga PSA," ani Evelyn Jallorina, kinatawan ng ABP.

Nag-ugat ang suspensiyon ng commissioners sa desisyon ng ERC na ipagpaliban ang pagpapatupad ng "competitive selection process" ng higit limang buwan noong nakaraang administrasyon.

Dahil dito, nagawang pumasok ng Manila Electric Company (Meralco) sa pitong power supply agreements sa sister companies nito.

Napaboran umano ang Meralco at iba pang kompanya.

Giit ng grupong ABP, mas mataas ang kadalasang binibiling kuryente ng Meralco sa sister companies nito kaya nga dapat, nagkaroon ng competitive bidding.

Bagama't wala pa sya sa ERC noon, naniniwala si Devanadera na wala namang "midnight deal" na nangyari lalo't isa lang ang Meralco sa 93 kumpanyang may nakabinbin na aplikasyon sa ERC.

"Kung 10 lang 'yung nag-file, at puro malalaki, baka nag-iba 'yong magiging pananaw natin. But with 93 of all sizes, it must have been a window that was responsive to the needs of stakeholders," ani Devanadera sa panayam ng ANC nitong Martes.

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.