Daloy ng trapiko sa Baguio, sumikip dahil sa dagsa ng mga turista

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 03:30 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumigat ang daloy ng trapiko sa ilang lugar sa Baguio City bunsod ng pagdagsa ng mga turista ngayong Pasko. 

Nakaranas ng masikip at mabagal na daloy ng trapiko ang ilang kalsada sa tinaguriang "summer capital of the Philippines" lalo na sa Upper Session Road sa Central Business District.

"Kadalasan sa mga problema rito, 'yong mga sasakyan, nagkakaroon ng overheating," ani Rene Zapate, district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa siyudad.

Puno rin ng mga tao ang mga pampublikong pasyalan gaya ng Mines View Park at Wright Park.

Dahil sa sikip ng trapiko, minabuti ng ilang residente at turista na gumamit na lang ng mga pampublikong sasakyan.

"Mas mahirap daw mag-park 'pag may private car ka kaya nag-commute na lang kami," ani turistang si Lhei Barlis.

Nakaantabay ang 52 tauhan ng DPWH sa mga outpost sa lungsod para umalalay sa mga namamasyal.

Maluwag naman ang trapiko sa Kennon Road, na isa sa mga pangunahing kalsada papasok sa Baguio.

Inaasahan ang muling pagdagsa ng mga turista sa siyudad sa pagsalubong sa Bagong Taon.

-- Ulat ni Marianne Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.