Nasunog ang isang pampasaherong bus habang binabagtas ang kahabaan ng North Luzon Expressway, Martes ng madaling araw.
Malapit na sa Bocaue Toll Plaza ang bus nang magsimulang lumiyab ang likurang gulong nito at hindi kalaunan ay kumalat na ang apoy sa ibang bahagi ng sasakyan, ayon sa mga awtoridad.
Wala namang nasaktan mula sa 40 pasahero na agad nakababa mula sa nasusunog na bus.
Naramdaman na ng ilang pasahero na may sira ang sinasakyan habang nasa Dau, Pampanga pa lamang sila ngunit giniit ng driver na si Rodrigo Manlapaz na hindi malaki ang sira at babagalan na lamang niya ang pagpapatakbo, kuwento ng ilang sakay ng bus sa ABS-CBN News.
"Akala ko maliit lang ang sira ng propeler," sabi ni Manlapaz sa isang panayam.
Nang mapansin ang sunog, itinabi ni Manlapaz ang bus at sinubukang apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher ngunit hindi ito sapat.
Tuluyan lamang napatay ang apoy bandang alas-3 ng madaling araw sa tulong ng isang firetruck na idinispatsa ng NLEX sa lugar.
Bagamat walang nasaktan dahil sa insidente, dismayado ang mga pasahero dahil hindi na nila nagawang makuha ang kanilang mga bagahe mula sa nasunog na sasakyan.
- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.