Bata, patay nang masaksak ng lalaking nag-amok

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 12:08 AM

Patay ang isang 10 taong gulang na bata nang masaksak ng naga-amok na lalaki sa Quezon Street, Tondo, Maynila Lunes ng gabi.

Nadala pa sa Mary Johnston Hospital habang umiiyak ang biktimang si Alvin Pancho na nagtamo ng sugat sa dibdib. 

Hindi na nasagip ng mga doktor ang buhay ng bata.

Ayon sa ama ng biktima na si Christopher Pancho, "pinagtitripan" ng suspect na si alias Jojo ang isang Nestor Adelentado sa lugar, nang mahagip ng kutsilyo ang bata na noo'y pauwi na sa kalapit na Magsaysay Street.

Agad tumakas si alias Jojo nang humandusay ang bata, at hindi na uli siya nakita sa kanilang bahay.

Sinasabing dati nang nahuli sa kasong droga si alias Jojo pero nakalaya rin.

Hindi daw nagbago ang suspect at patuloy na gumamit ng droga.

Tinutugis pa ng pulisya ang suspect. - ulat mula kay Michael Delizo, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.