2 sakay ng motorsiklo, patay nang sumalpok sa bus sa Quezon City

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 07:01 AM

Patay ang isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo matapos sumalpok sa isang bus sa intersection ng Mindanao Avenue at Congressional Avenue sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Wala pang pagkakakilanlan ang magkaangkas na biktima na parehong naka-helmet.

Ayon sa testigo na si Ronald Layumang, parehong galing Mindanao Avenue ang bus at motor na parehong matulin ang pagtakbo.

Sumampa sa traffic island at bumangga sa isang puno ang bus upang iwasan ang motor ngunit pumailalim pa rin ang motor sa malaking sasakyan, ani Layumang.

Kinailangan pang gumamit ng hydraulic jack ng MMDA at ng Quezon City Rescue Team upang makuha ang mga sakay ng motor sa ilalim ng bus.

Dinala na sa Quezon City Traffic Sector 6 ang driver ng bus para imbestigahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.