10-anyos na bata, patay nang mapadaan sa away sa Tondo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 02:16 PM

MAYNILA - Patay sa saksak ang isang 10-taong gulang na batang lalaki matapos mapadaan sa away ng mga nag-iinuman sa Tondo, Lunes ng gabi.

Tinamaan ang bata nang pagsasaksakin ng isang alyas "Jojo" ang kaalitan nitong si Nestor Adelentado. Pauwi sana ang bata galing sa isang computer shop. 

"Nasaksak na ni Jojo si Nestor. Tumumba na si Nestor sa gutter kaya 'yung sumunod na saksak, 'yung bata na ang tinamaan," sabi ni Roger Emnas na nakasaksi sa pangyayari.

"Ang puntirya, dibdib ni Nestor, sakto pagdaan ng bata. Halos magkatabi lang sila. Pagsaksak ni Jojo, sakto sa bata sa likod," dagdag ni Emnas.

Dinala sa ospital ang bata ngunit hindi na naisalba ng mga doktor.

"Kung gising ako nun, 'di ko pinayagang lumabas (ng bahay). Kalaking pagsisisi. Dapat 'di namin iniwan," sabi ng ama ng bata.

Pinoproblema ngayon ng pamilya ng biktima kung paano iuuwi sa probinsya ang mga labi ng bata.

Patuloy pang hinahanap ng mga pulis ang suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.