1 patay, 5 sugatan sa banggaan ng closed van at 2 motor

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 12:17 PM

Isa ang patay habang 5 ang sugatan sa salpukan ng isang closed van at 2 motorsiklo sa Manaoag, Pangasinan noong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi bilang si Rene Cresencia, na papunta sanang Barangay Cabanbanan kasama ang lima pang magsasaka para magtanim ng palay.

Lulan ang grupo ng 2 motorsiklo nang sumalpok mula sa likod nila ang isang closed van sa Barangay Lelemaan.

Itinakbo pa sa ospital si Cresencia pero hindi na ito umabot. Napuruhan umano ang biktima sa ulo.

Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak ni Cresencia dahil sa pagpanaw nito sa mismong araw ng Pasko.

"Wala nang kuwenta 'yong Pasko namin," ani Rogelio Cresencia Jr., ama ng nasawi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng closed van kaya hindi nito napansin ang dalawang motorsiklo sa kaniyang harapan.

Napag-alamang walang suot na helmet ang 6 na magsasaka.

Nauwi naman sa aregluhan ang insidente kaya agad pinakawalan ng mga awtoridad ang tsuper ng closed van.

-- Ulat ni Edward Quinto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.