1 patay, 3 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa underpass sa Quezon City

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 08:04 AM

Patay ang isang lalaki nang tumama sa center island ng isang underpass sa Mindanao Avenue ang minamaneho niyang motorsiklo, Martes ng madaling araw.

Dead on the spot si Carlo Dagtin habang sugatan naman ang kanyang angkas na si Ferdinand Somido.

Tumangging makipag-usap si Somido sa media pero ayon sa isang kagawad ng Brgy. Talipapa, nakainom ang dalawa at maaaring mabilis ang takbo kaya tumama sa center island ang motorsiklo na natagpuan ilang metro ang layo sa kanila.

Ilang minuto naman matapos ng aksidenteng iyon ay nabunggo ng isa pang motorsiklo ang isang SUV sa katapat na northbound lane ng parehong underpass

Ayon kay Jerome Arpa, bigla daw kasing huminto ang SUV kaya nabunggo nila ang likod nito.

Natumba ang motorsiklo kaya nasugatan sa braso si Arpa at ang kanyang angkas na si Romeo Yano na may sugat naman sa kamay, tuhod at paa.

Inamin ng 2 na nakainom sila ng kaunti.

Nakipag-areglo na lamang sila sa driver ng SUV na si Dianne Lin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.