1 patay, 2 sugatan sa banggaan ng motorsiklo, tricycle sa GenSan

Giesaril Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 05:50 PM

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang isang lalaki matapos bumangga ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa isang tricycle sa national highway sakop ng Barangay Bawing dito sa siyudad nitong Martes. 

Kinilala ang rider na si Randy Rosalinda, na ayon sa mga awtoridad ay pauwi sana sa siyudad na ito galing Sarangani para makita ang anak na higit isang taon niyang hindi nakapiling.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na biglaan umanong napunta sa kabilang linya ang motorsiklo na sumalpok "head on" sa tricycle na minamaneho ng isang Jerden Yee.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon pa ang rider na idineklarang dead on arrival sa ospital. Hinala ng mga awtoridad, nakaidlip si Rosalinda habang nagmamaneho.

Samantala, inoobserbahan naman si Yee at ang isang pasahero nito sa ospital dahil sa mga tinamo nilang sugat. 

Aabot sa 40 aksidente ang naitala ng General Santos Traffic Management Unit mula Disyembre 23 hanggang 25 kung saan dalawa ang namatay.