Dating bilanggo, pinatay dahil sa 'love triangle'

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2016 06:25 PM

Nakabulagta at wala nang buhay si Michael Jim Agtarap matapos mabaril sa ulo. Chai Tabunaway, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY– Nakabulagta at wala nang buhay ang isang dating bilanggo matapos barilin ng isang lalaki noong Sabado dahil diumano sa "love triangle".

Patay si Michael Jim Agtarap,30, matapos barilin sa ulo sa Purok Islam, Barangay Dadiangas South sa General Santos City.

Ayon sa mga pulis, suspek sa krimen ang isang alyas "Roy-Roy" na kasintahan diumano ng isang alyas "Joy-Joy" na karelasyon din ni Agtarap.

Dati umanong nakulong si Agtarap dahil sa kasong pagpatay. 

Habang nasa piitan ito, nagkaroon diumano ng ibang kasintahan si Joy-Joy kaya nang makalabas ang biktima, gusto niyang balikan ang kasintahan.

Base sa imbestigasyon ni Francis Hoyumpa, binaril ng malapitan ang biktima ngunit hindi pa nila matukoy kung anong baril ang ginamit ng suspek.

Sa ngayon, patuloy na pinaghahanap ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.