2,000 stranded sa NAIA-3 dahil kay 'Nina'

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Dec 26 2016 02:37 PM

MANILA -Tinatayang 2,000 pasahero ang naistranded Lunes sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3) matapos makansela ang mahigit 300 flights dahil sa Bagyong ''Nina.'' 

Ilan sa mga stranded na pasahero ay hindi agad naabisuhan ng mga airline company ukol sa mga kanseladong biyahe kaya nagtungo pa rin sa paliparan. 

Karamihan sa mga nakapanayam ng DZMM Radyo Patrol ay tanggap ang suspensyon ng mga biyahe dahil sa bagyo, tulad nina Filip linhart at Katrina Bendlova, mga dayuhang mula sa Czech Republic na magbabakasyon sa Palawan. 

Anila, mamasyal na lang muna sila sa Mayila habang hinihintay ang ipina-rebook na biyahe papuntang Puerto Princesa. 

Pero hindi lahat ay may pera at panahon para maghintay sa mga nakanselang biyahe.

Kwento ni Zenaida Lovino, hindi na niya maitutuloy ang pag-uwi sa Sultan Kudarat, North Cotabato matapos makansela ang kanyang biyahe Linggo ng gabi. 

Inireklamo rin ni Lovino ang anya'y hindi sapat na food pack na ibinigay ng isang airline sa mga pasahero. "Sana bigyan naman nila kami ng lunch," hirit niya. 

Sa pinakahuling tala ng Manila International Airport Authority, umabot na sa 318 ang domestic at international flights na nakansela mula Disyembre 25 hanggang 26. 

Kabilang sa mga ito ang 177 biyahe ng Cebu Pacific, 115 flights ng Philippine Airlines at 20 biyahe ng Air Asia.

Inanunsyo ni MIAA general manager Ed Monreal na hindi isasara ang runway ng NAIA para sa daily maintenance nito sa Martes ipang mabigyang daan ang mga delayed at rescheduled flights. 

Tiniyak din ni Monreal na gumagana ang generator at iba pang emergency equipment ng paliparan. -- May ulat ni Doris Bigonia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.