PatrolPH

Mga hotel, pasyalan dinagsa sa Pasko habang Alert Level 2

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2021 06:57 PM | Updated as of Dec 25 2021 10:55 PM

Dinagsa ng mga namamasyal ngayong Pasko ang Luneta Park. ABS-CBN News
Dinagsa ng mga namamasyal ngayong Pasko ang Luneta Park. ABS-CBN News

MANILA - Dinagsa ang mga hotel at pasyalan sa Kamaynilaan ngayong araw ng Pasko habang mas maluwag na ang COVID-19 protocols. 

Mahaba ang pila ng mga nais na makapamasyal sa Rizal Park sa Luneta sa Maynila. 

Dumadaan muna sila sa thermal checkpoint bago pumasok, at kailangang may suot din silang face masks. 

Watch more on iWantTFC

Ang pamilya ng mag-asawang Jonathan at Irene Domingo ng Antipolo, Rizal, itinuring na biyaya na buo ang pamilya kahit may pandemya. 

“Survivors po. As we all know, mabigat ang pinagdaanan ng mga Pilipino nitong mga nakaraang buwan. Pero kahit na maraming challenges, survivors tayo," ani Jonathan. 

Naglatag ng tent ang ilang pamilya sa Quezon Memorial Circle. 

Biyaya kung ituring ng mga vendor ang araw ng Pasko sa dami ng tao. 

"Okay naman po. Masaya po kami dahil kahit papaano, may mapagkukunan na kami ng pang-araw-araw," ayon sa nagtitinda ng cotton candy na si Benson Quinto. 

Dinarayo rin ang theme park sa Sta. Rosa. 

Watch more on iWantTFC

Ayon naman sa Philippine Hotel Owners Association, dumami na ang mga nag-staycation lalo't nagluwag na ang protocols.

"'Yung mga restaurants doon sa ating mga hotels, punong puno rin because families are going out to celebrate itong holiday season," ayon kay Benito Bengzon, executive director ng grupo. 

Fully-booked din ang marami sa mga miyembro ng RestoPH, ayon sa pinuno nilang si Eric Teng. 

"People are coming out to the restaurants to consume, kesa ordering restaurant food for their home consumption," ani Teng. 

Nagpaalala ang mga awtoridad na mag-ingat pa rin sa pagdiwang ng Pasko habang may banta pa ng COVID-19 at may mga kaso na ng omicron variant sa bansa. 

-- Ulat nina Johnson Manabat at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.