PatrolPH

2 patay nang ma-hit and run ng isang van sa Pasay ngayong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2021 10:40 AM

Dalawa ang patay at isa ang sugatan matapos mabangga ng isang van sa Barangay 156 at 155 sa Pasay City, sa mismong araw ng Pasko. 

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 156, makikitang naglalakad ang apat babae sa bandang Aurora Boulevard nang biglang mahagip ang isa sa mga ito ng humaharurot na van. 

Hindi tumigil ang sasakyan at nagtuloy-tuloy nang patakbo hanggang bumangga sa isa pang naka-motor na lalaki.

Dumiretso pa muli ang driver hanggang may mahagip ulit na isang babae sa bandang Barangay 155 sa kahabaan ng Aurora Boulevard.

Ayon sa Barangay personnel na si Nestor Millos na unang rumesponde sa aksidente, patay ang dalawang babae habang naisugod agad sa ospital ang lalaking biktima.

Kuwento naman ng ilang mga tricycle driver na nakaparada sa gilid ng kalsada kung saan malapit ang pangyayari, mabilis talaga ang patakbo ng driver ng van, at muntikan din umano silang mahagip nito.

Hindi pa nahuhuli ang drayber at patuloy pang iniimbestigahan ng mga pulis ang nangyari.


-- ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

Related video

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.