PatrolPH

Mga Pinoy namasyal ngayong Pasko; safety protocols ipinatupad

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2020 07:01 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Paborito pa ring pasyalan ng marami ngayong Pasko ang mga parke, kung saan pinapayagan ang mga bata at mahigpit na ipinatutupad ang mga safety protocol bilang pag-iingat kontra COVID-19.

Mas kaunti din lang ang bilang ng mga taong pinapayagan sa mga parke, tulad ng sa Luneta Park sa Maynila na nilimita sa 2,000 ang bisita. Dati'y nasa 77,000 ang tao sa Luneta tuwing Pasko.

Sa entrada pa lang ng parke sa Kalaw Avenue, mahigpit ang mga guwardiya, na binabantayan pati ang paghuhugas ng kamay ng mga bata.

Kailangan din munang mag-fill up ng mga bisita ng registration form bago makapasok sa parke.

Kabilang sa mga atraksiyon sa parke ang higanteng Christmas tree, belen at dancing fountain.

Puro one-way lang ang traffic sa mga naglalakad sa loob ng parke. Ipinagbabawal na bumalik at sumalubong.

Wala namang ibang magagawa sa parke bukod sa pagkuha ng mga retrato dahil ipinagbabawal ang pagkain o pag-picnic.

"Mananatili na ang parke ay isang lugar kung saan ang mga tao ay magkakaroon ng pagkakataon na makapag-ikot, pagkakataon na ma-enjoy nila ang kalikasan, at pagkakataong makalimot sa kanilang problema," ani Reina Jara, chief administrative officer ng National Parks Development Committee.

Dahil limitado lang din ang oras sa Luneta, sa Baywalk namasyal ang ilang pamilya at magkaka-date.

Wala namang makapamasyal sa ipinagmamalaking artificial white sand, na nakabarikada hanggang ngayon.

May mga maaga ring namasyal sa Bonifacio Shrine, na bagong pintura at Instagram-worthy ang view.

Hindi naman ganoon kasigla ang Pasko sa MOA By the Bay sa Pasay dahil marami pa ring restoran ang sarado.

May mga namamasyal pero kapansin-pansing bihira ang mga batang dati ay laman ng mga ride tulad ng bump car at carousel.

Bukas ang giant ferris wheel sa MOA By the Bay pero bihira din ang sumasakay.

Watch more on iWantTFC

Dumayo rin ang mga tao sa Tagaytay City at Enchanted Kingdom sa Santa Rosa, Laguna pero kapansin-pansing mas kaunti ang mga namamasyal kompara noong mga nakaraang taon.

Umabot lang sa higit 4,000 ang namasyal ngayong Pasko sa Tagaytay Picnic Grove, malayo sa 22,000 noong nakaraang taon.

-- Ulat nina Michael Delizo at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.