Tourist destinations, simbahan dinayo ng mga Pinoy ngayong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 08:23 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Ngayong Miyerkoles, dinarayo ng mga turista at residente ang mga parke, pamilihan, at mga simbahan para ipagdiwang ang Pasko sa piling ng pamilya. 

Bisperas ng Pasko, napuno ang Baguio City ng mga residente at turistang gustong salubungin ang Pasko sa "City of Pines." 

Dinayo rin ang night market kung saan marami ang naghabol ng pag-shopping ng pangregalo. 

Pero kasabay nito, mahahabang pila ang sumalubong sa mga mamimili, at sumikip ang mga kalsada sa dami ng mga nagsi-akyatang mga turista. 

May iba namang nanatili sa Kamaynilaan ngayong Pasko, gaya ng mga bumisita sa mga parke. 

May iba namang turistang piniling magdiriwang ng payak na Kapaskuhan sa mga siyudad. 

Nasa 10,000 ang bumisita sa Quezon City Memorial Circle. 

Libre ang entrance fee pero P15 ang parking fee para sa may mga dalang sasakyan. Nasa P50 naman ang bayad para sa amusement park. 

Watch more in iWantTFC

May isang pamilya namang nag-reunion sa tabi ng Commonwealth Ave. 

Suot ang kulay pula, anim na oras nagtagal ang reunion, na dinaluhan ng mga magkakamag-anak na galing pa sa Camarines Norte at Nueva Ecija. 

Ayon sa isa sa mga dumalo na si Alex Por, tema nila ngayon ang pagbubuklod-buklod. 

"Meron kaming theme every Christmas. This year nag-red kami. We want to be united," ani Por. 

Watch more in iWantTFC

Hindi alintana ng mga bumisita sa Rizal Park sa Maynila ang ambon habang nagpi-picnic sa parke. 

May ilan pang galing sa Visayas para lang makisalo sa kanilang mga kamag-anak sa Metro Manila. 

"Masaya kami nakarating dito sa Luneta, sila galing ng Samar, Catbalogan, Samar, ang uwi namin sa bahay namin sa Marikina, Malanday," ayon sa turistang si Avelina Osenar.

Magsasara rin ang parke bandang alas-12 ng hatinggabi para paghandaan ang Bagong Taon. 

Watch more in iWantTFC

Dinarayo rin ang Our Lady of Redemptorist Church sa Baclaran ng mga galing pa sa mga probinsiya. 

Isa rito si Marcosa Manuel, na taga-Gapan, Nueva Ecija. 

"Sana ang mga anak ko patuloy ang kanilang hanapbuhay. Ang kanilang kalusugan. Ganundin ang mga kapitbahay namin, pinapanalangin ko rin, ang mga kapwa namin mahirap," ani Manuel. 

Para kay Fr. Ino Cueto, rector ng simbahan, pagkakataon ang Pasko para tingnan ang sarili kung may magandang nagawa sa kapwa.

Panahon din aniya ito para sa pagpapatawad. -- May ulat nina Micaella Ilao, Niko Baua, Sherrie Ann Torres, at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.