Noche buena sa Sta. Mesa binulabog ng sunog

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 08:18 AM

MAYNILA- Nabulabog ang noche buena ng mga residente sa Sta. Mesa matapos sumiklab ang isang sunog sa isang apartment pasado hating gabi.

Nasa 4 na unit ng apartment at isang tindahan ang natupok sa apoy. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Kuwento ng biktima ng sunog na si Joy Galzete, kakatapos pa lang daw ng noche buena nang marinig nila ang sigawan ng mga tao. Nagulat na lamang daw siya nang makitang nasusunog na ang apartment.

"Ang inisip ko safety ng aking family, not about the material things. Pasalamat sa Diyos na walang nasaktan," aniya.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog na tinatayang nagdulot ng P200,000 danyos.

Muli naman nagpaalala ang Bureau of Fire Protection sa publiko na mag-ingat sa pagdaraos ng mga handaan lalo na sa darating na Bagong Taon.

-ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.