Lalaki, patay matapos mabaril ng sinaksak na guwardiya sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 01:56 AM

Patay ang isang lalaki sa bayan ng San Mateo sa Isabela matapos mabaril ng guwardiya na sinaksak umano niya bandang alas-10 ng gabi nitong Martes, bisperas ng Pasko.

Kinilala ang biktima na si Carlos Bueno na residente ng Barangay Salinungan West.

Ayon kay Police Major Jeffrey Raposas, hepe ng San Mateo Municipal Police Station, nagkaroon muna ng pagtatalo kung saan sinaksak umano ng biktima ang guwardiya na noon ay nakatayo hindi kalayuan sa binabantayan niyang establisyimento.

"Tumakbo itong victim kaya hinabol ng guard, tapos binaril niya dalawang beses itong victim," dagdag ni Raposas.

Agad na namatay ang biktima na tinamaan ng bala sa katawan at ulo.

Itinakbo naman sa ospital ang guwardiya na nagtamo naman ng sugat sa likod.

Narekober ng mga pulis ang patalim umano ng biktima at ang kalibre .45 na baril ng guwardiya.

Iniimbestigahan na rin ang dahilan ng kanilang pagtatalo na nag-ugat sa dating alitan.

Maswerte na walang ibang nadamay sa insidente lalo't malapit sa parke ang pinangyarihan ng insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.