ALAMIN: Maaaring pananagutan ng pagawaang dawit sa lambanog poisoning

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 03:51 PM

MAYNILA - Maaaring maharap sa mga kaso ang may-ari ng distillery na pinaniniwalaang gumawa ng lambanog na sinisisi sa pagkamatay ng 15 katao at pagkaospital ng higit 300 pa sa Calabarzon, ayon sa isang abogado. 

Ayon kay Atty. Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla," kung mapapatunayang hindi rehistrado ang kompanyang nasa likod ng paggawa ng nasabing lambanog, maaari itong maparusahan. 

"Kung hindi sila rehistrado, napakalaking panganib kaya lagi nating hinahanap... Rehistrado sa ating FDA (Food and Drug Administration), kung hindi sila rehistrado, krimen 'yan," ani Del Prado. 

"Kapag sila ay rehistrado ibig sabihin nagpapasaklaw sila sa regulatory authority ng FDA, matitingnan 'yung kanilang produkto, 'yung food safety issues, 'yung food quality issues, lahat 'yan, sumasailalim sa FDA," pahayag ng abogado. 

Mapaparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 9711 ang hindi awtorisadong pagbebenta ng mga pagkain, lalo na kung wala itong permit mula sa ahensiya. 

Maaari pang kasuhan ng homicide o serious physical injuries ang kompanya sa pagkakataong may pumanaw dahil sa naging pagkukulang ng pabrika. 

"Kasi hindi basta-basta ang mag-produce... Hindi excuse 'yong apat na dekada kayong andiyan tapos hindi kayo magpaparehistro sa juristidction ng mga regulatory agencies dahil doon matitiyak na lahat ng produkto ay ligtas lalo na kung may pagkain at ipapasok sa katawan ng tao," ani Del Prado. 

Matapos ang insidente, agad na sumuko sa mga awtoridad si Fred Rey, ang may-ari ng "Rey Lambanog" na nasangkot sa insidete, at nangakong makikipagtulungan sa mga awtoridad. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.