7,000 pasahero, stranded sa Sorsogon dulot ng Bagyong Ursula

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 07:25 PM

Libu-libong pasahero ang na-stranded sa Matnog Port sa Sorsogon matapos suspendihin ang mga biyahe sa pantalan dahil sa masamang panahon dala ng Bagyong Ursula. Karren Canon, ABS-CBN News

Libu-libong pasahero na patawid ng Visayas at Mindanao ang na-stranded sa Matnog Port sa Sorsogon matapos suspendihin ang mga biyahe sa pantalan dahil sa masamang panahon na dala ng Bagyong Ursula.

Ayon sa tala ng Philippine Ports Authority (PPA) nitong Miyerkoles, 7,000 na pasahero at higit 1,000 na sasakyan ang stranded. Hindi pa kasama sa bilang ang mga na-hold na bus at trak papuntang Matnog mula Sorsogon City, Casiguran, Juban at Irosin.

Lunes ng umaga pa nagsimula ang kilo-kilometrong pila lalo ng mga trak at bus matapos suspendihin ng Coast Guard ang biyahe dahil sa masamang panahon.

Higit isang kilometro ang haba ng pila ng mga sasakyan na babiyahe mula sa Matnog Port sa Sorsogon simula nung Lunes, matapos suspendihin ang mga operasyon sa pantalan dulot sa Bagyong Ursula. Karren Canon, ABS-CBN News

Watch more in iWantTFC

Sa pantalan na sinalubong ng mga na-stranded na pasahero ang Pasko, at ang iba sa kanila, sa tabi na lang ng kalsada nagdiwang.

Ayon sa ilang biyahero, nagaalala sila na baka sa pantalan din nila salubungin ang Bagong Taon.

Aminado ang PPA na sa oras na maibalik sa normal ang biyahe, prayoridad nilang paunahin sa biyahe ang mga bus at light cars at ang may mga kargang nabubulok o perishable goods para hindi maipon sa pantalan ang volume ng mga tao.

Reklamo ng ilan, may lagayan sa pantalan sa mga sasakyang nakapila na umaabot sa P5,000 to P10,000. Itinanggi naman ito ng pamunuan ng PPA.

Siyam na RoRO vessels at dalawang LCT na ang bumabiyahe sa Matnog Port papunta ng Samar sa loob ng 24 oras.

Sa ngayon, di pa nila masiguro kung magkakaroon ng dagdag na mga sasakyang pandagat lalo pa't inaasahan nila ang patuloy pa rin na paglobo ng mga pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.