'Malaking tao' nasa likod ng Batocabe slay: balo ng solon

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2018 08:32 PM

Watch more in iWantTFC

Naniniwala ang balo ni AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe na malaking tao ang nasa likod ng pagpatay sa kongresista.

Bagaman hindi nagbigay si Gertie Batocabe ng pangalan, marami raw sa kanilang lugar sa Daraga, Albay ang nakakaalam kung sino ang nasa likod ng pamamaslang. 

Sangkot din daw ito sa iba-ibang ilegal na aktibidad.

"Ask the people of Daraga, everybody knows who did this," ani Gertie.

Namimigay ng mga regalo sa mga senior citizen at persons with disability si Batocabe noong Sabado sa Daraga nang pagbabarilin sila ng kaniyang police escort ng mga hindi pa nakikilalang salarin. 

Bukod kay Batocabe, napatay din ang escort na si Senior Police Officer 2 Orlando Diaz, na nagtamo ng walong tama ng bala. Ilang senior citizen naman ang nasugatan sa insidente. 

Nasa huling termino na ng pagkakongresista si Batocabe, 52, at tatakbo sanang alkalde ng Daraga sa halalan sa susunod na taon.

Politika ang isa sa mga motibong sinisilip sa pagpaslang sa kongresista, sabi ng hepe ng Bicol police na si Chief Superintendent Arnel Escobal. 

Ayon naman sa anak ng kongresista na si Justin, naghihintay pa rin sa takbo ng imbestigasyon ang kanilang pamilya.

"Dagdag-kalungkutan po na ni update man o anong report, wala pong pinapadala sa aming mga kapamilya at kami po ay naiwan sa dilim," sabi ni Justin.

Maging ang AKO Bicol party-list ay naghihintay din ng impormasyon kaugnay ng imbestigasyon, sabi ng isa pang kinatawan ng partido na si Alfredo Garbin. 

"I know that mayroon po silang style ng kanilang pagtatrabaho and that is always a confidential matter pero siguro we are entitled [to] any bit of information," ani Garbin.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ni Batocabe.

Bumuo na ng special task group ang Philippine National Police para tutukan ang kaso at sa agarang pagdakip sa mga nasa likod ng pagpatay. 

Umabot na sa P30 milyon ang halaga ng pabuyang maaaring matanggap ng makapagtuturo sa mastermind at gunmen na nakapatay kay Batocabe.

--Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.