Trahedya sa Pasko: 20 patay sa salpukan ng bus at jeep

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 10:09 AM | Updated as of Dec 25 2017 03:10 PM

(UPDATED) Umabot na sa 20 katao ang nasawi habang 25 naman ang sugatan sa banggaan ng bus at jeepney sa kahabaan ng Barangay San Jose Sur sa bayan ng Agoo sa La Union, Pasko ng madaling araw.

Dead on arrival sa pagamutan ang 20 pasahero ng jeep habang nasa 9 naman ang sugatan din. Nasa 15 pasahero at isang konduktor naman ng Partas bus ang nagtamo ng minor injuries at nai-release na ng ospital.

“Yung jeep po napunta sa lane ng Partas so there is a possibility na may inovertake po. Tinitingnan din po namin kung nakatulog yung driver kaya napunta sa kabilang lane,” ayon kay Chief Inspector Roy Villanueva, OIC ng PNP Agoo, La Union.

Kasama sa mga nasawi ang isang sanggol na tinatayang 3 hanggang 5 buwan.

Pa-northbound umano ang Partas bus na mula Maynila at patungong Pagudpud Ilocos Norte nang banggain ng pa-southbound na private jeep, alas-3:30 ng madaling araw sa highway ng naturang barangay.

Mula naman sa Barangay Pilar sa Bauang sa La Union ang jeep na may lulan na 29 na magkakamag-anak na pasahero, kabilang ang ilang mga bata, at papuntang bayan ng Manaoag sa Pangasinan para mag-Misa.

Tradisyun umano ng angkan na mag-misa sa Pasko sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary sa Manaoag.

“Sa impact, napitpit harapan ng jeep, pumailalim yung harapan ng jeep sa bus. Napapunta po sila (mga pasahero) lahat sa harap,” sabi ni C/Insp. Villanueva.

Dagdag ni Villanueva, naabisuhan na ang mga kamag-anak ng mga biktima.

Nasa kustodiya na ng awtoridad ang driver ng bus na si Rodel Sadac na hindi naman nasugatan sa aksidente.

Samantala, hinihintay na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang police report hinggil sa aksidente.

“Right now, we need to wait for the police report before we decide kung ano yung action that should be taken,” paliwanag ni LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada.

Sa kabila nito, ipinagutos na ng LTFRB ang insurance company ng Partas bus na tulungan ang mga pasahero nito.

“Under LTFRB sa insurance po, kahit sinong may kasalanan babayaran ng insurance yung mga pasahero nila. Yung insurance ng Partas—PAMI--ang magaasikaso ng lahat ng mga pasahero nila. Yung insurance ng jeep ang magaasikaso ng kanilang pasahero,” sabi ni Lizada.

Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang aksidente.

Nanawagan naman ang pulisya sa lahat ng motorist na maging maingat sa pagmamaneho.

“Sana po kundisyon ang mga sarili natin sa pagmamaneho at iwasan po natin hangga’t maari yung pagmamaneho ng nakainom, and then be cautious at alerto sa pagmamaneho lalo na sa alanganing parte ng highway o kalsada,” payo ni Villanueva. May ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News at DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.