'Santa cops' sa Cebu, nangaroling at namigay ng regalo

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 03:32 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Muling nangatok sa mga bahay ang mga pulis sa Cebu pero hindi tulad ng mga nakaraang operasyon, target nila ngayon na magbigay ng kasiyahan at regalo sa mahihirap na kababayan.

Nangaroling sa 70 bahay ang mga pulis na miyembro ng Parian Police Station sa Cebu City.

Pagkatapos kumanta, ang “Santa cops” mismo ang namigay ng regalo at Noche Buena package.

May pamasko rin ang mga pulis sa mga bata.

Ayon sa officer in charge ng Parian Police Station na si Senior Inspector Narrolf Tan, galing sa mga donasyon at mismong bonus ng mga pulis ang kanilang ipinamigay na regalo.

"Ato ning gihimo for the purpose nga bahalag sa ilaha wala na silay paglaum sa kinabuhi makita nila nga naa pa gyud diay kapolisan nga naglantaw nila,bisan gamay lang no,karong pasko mafeel nila ang spirit of Christmas," ayon kay Tan.

(Ginawa natin ito upang magbigay ng pag-asa sa mga walang-wala sa buhay. Makikita rin nila na may mga pulis na handang tumulong sa kanila, kahit maliit lang ito ngayong Pasko gusto naming ma-feel nila ang tunay na spirit of Christmas.)

Layon din umano ng Philippine National Police na mapalapit sa komunidad lalo't ramdam nilang natatakot nang lumapit ang iba matapos ang sunud-sunod na madugong anti-drug operation sa iba-ibang bahagi ng bansa.

-- Ulat ni Aiza Layague, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.