'Pagbibitiw ni Paolo Duterte, kailangang aprubahan ng ama'

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 04:17 PM | Updated as of Dec 26 2017 01:47 AM

File Photos

Dadaan muna sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ng anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

"While awaiting the acceptance of the resignation, he is on leave from the Office of the Vice Mayor because only the Office of the President can accept the resignation of the vice mayor," paliwanag ni Davao City Mayor Sara Duterte sa isang panayam.

("Habang hinihintay ang pagtanggap sa kaniyang pagbibitiw, nakaliban muna si Paolo Duterte sa tanggapan ng bise alkalde. Tanging tanggapan lang ng Pangulo ang puwedeng tumanggap ng pagbibitiw niya.")

Bago pa man magbitiw sa puwesto, batid na rin ng pangulo at ni Sara na aalis sa posisyon si Paolo.

"The President knew beforehand that the vice mayor will resign (Alam ng pangulo na magbibitiw ang bise alkalde)... Alam ko na na mag-resign siya," sabi ni Sara. "It is not my life... I can only be here for my brother to support him on whatever his decisions may be. (Hindi ko ito buhay... Ang magagawa ko lang ay suportahan ang kapatid ko anuman ang kanyang mga desisyon.)"

Ipinauubaya naman ni Sara sa kaniyang ama ang magiging tugon sa pagbibitiw ni Paolo.

"Best if you ask the president about his reaction on the resignation," sabi ni Sara.

("Mabuting tanungin niyo na lang ang pangulo sa kaniyang reaksiyon sa pagbibitiw.")

Dagdag pa ng mayor, tutulong siya sa magiging "transition period" ng kapatid na gustong tutukan ngayon ang pagkakaroon ng panahon sa mga anak.

Oras na tanggapin at maging epektibo ang resignation, isang konsehal ang hahalili sa mababakanteng puwesto ng bise alkalde.

Sa isang pahayag, sinabi ni Paolo na epektibo ngayon ding araw ng Pasko, Disyembre 25, ang kaniyang pagbibitiw.

Aniya, nagbibitiw siya sa ngalan ng "delicadeza."

Binanggit din ni Paolo ang ilang insidenteng nangyari sa kaniyang buhay kamakailan na konektado sa nabigong pagsasama nila ng unang asawa.

Kabilang na raw dito ang pagkadawit ng kaniyang reputasyon sa maanomalyang smuggling case sa Customs at ang away nila ng anak na si Isabelle Duterte sa social media.

Dagdag pa ni Paolo, bunga ito ng kaniyang pag-aasawa sa napakabatang edad.

Nagdesisyon siya ngayong magbitiw para protektahan na rin ang kaniyang dangal at ng mga anak.

-- May ulat ni Madonna Timbal, ABS-CBN News

Watch more in iWant or iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.