Lalaki nasabugan ng whistle bomb ngayong Pasko

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 09:22 AM

Isang lalaki ang posibleng maputulan ng hintuturo matapos na masabugan ng whistle bomb Lunes ng madaling araw sa Quezon City.

Dinala sa East Avenue Medical Center ang lalaking nakilalang si Jaime Mangahas, residente ng Barangay Pag-asa.

Sa kuwento ng kanyang kaanak sa pamunuan ng ospital, nagsindi ng whistle bomb ang lasing na si Mangahas pero nawala sa isip nitong bitawan ang paputok kaya sumabog sa kanyang kamay.

Sabi naman ng ospital, tuliro si Mangahas at duguan ang kamay nang isugod sa pagamutan.

Ito na ang unang kaso ng firecracker-related injury sa East Avenue Medical Center mula nang magsimula ang monitoring ng Department of Health noong Disyembre 21.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.