Lalaki na nanloob ng bahay, arestado

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 09:12 AM | Updated as of Dec 26 2017 09:25 AM

Arestado ang isang lalaki matapos na manloob sa bahay ng kapitbahay sa Casanas Street, panulukan ng Dapitan sa Sampaloc, Maynila.

Nakilala ang suspek na si Eduardo Madelo, 50, at nagpakilala pang barangay tanod sa lugar.

Kuwento ng pinsan ng may-ari ng bahay, una siyang umuwi galing duty sa hospital at napansin na nakabukas na ang ilaw sa kuwarto sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Tinatawag daw niya ang pangalan ng pinsan pero walang sumasagot at narinig niyang may nahulog na susi.

Doon na siya nagtaka at lumabas na muna ng bahay para humingi ng tulong.

Pagbalik niya sa bahay ay wala na ang suspek ngunit nakita niyang nakabukas na ang mga jewelry box sa kuwarto.

Natangay ang tatlong gintong kwintas, apat na gintong hikaw, 4 na pendant at isang relo na tinatayang nasa mahigit P60,000.

Una pang nagpanggap na tumutulong sa imbestigasyon ang suspek, ngunit kalaunan ay umamin din ito at narekober sa kanyang mga ninakaw na alahas. May narekober din mga cellphones at foreign currencies mula sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.