Batang tumalsik, sanggol na mala-manika: ilan sa nabiktima sa jeep vs bus

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 10:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dalawampu ang patay at 25 naman ang sugatan sa salpukan ng jeep at pampasaherong bus sa kahabaan ng San Jose Sur sa Agoo, La Union madaling araw ng Lunes.

Magsisimba lang sana sa Pangasinan ang mga namatay na sakay ng jeep.

Kabilang sa sugatan ang 16 na sakay ng Partas bus na galing Maynila at papuntang Pagudpud, Ilocos Norte.

Ayon sa pulisya, nag-overtake ang jeep kaya napunta iyon sa lane ng bus.

"'Yong lane ng Partas, sinakop ng passenger jeep... Doon sila nagkaroon ng collision," anang hepe ng Agoo PNP na si Chief Inspector Roy Villanueva.

Sa lakas ng pagkasalpok, nayupi ang harap ng jeep.

Natulak at naipit sa harap ng jeep ang mga biktima habang ang ilan ay tumilapon sa kalsada.

Ayon sa residenteng si Solidad Boac, may narinig silang malakas na tunog na tila pagsabog at nang lumabas sila ng bahay, tumambad sa kanila ang mga biktima, kabilang ang ilang bata.

"May umiyak na bata, tumalsik pala ang bata diyan [sa kalsada]. Sumisigaw ng 'papa, mama!' sabi niya," kuwento ni Boac.

Pinakabata sa mga pumanaw ay isang sanggol.

"The worst na nakita ko kanina ay 'yong bata," kuwento ni Diosdado Magpili ng Local Disaster Risk Reduction Management Office ng Agoo. "Akala ko manika, 'yon pala bata na around two months to five months old."

Halos maiyak naman ang bumberong si Ysrael Sobredo habang ikinukuwento ang kanilang naging pagresponde sa mga biktima.

"Nakakalungkot po kasi napakaraming mga bata," ani Sobredo. "Paskong-Pasko saka nangyari po ang gano'ng insidente."

Nagdadalamhati naman ang buong Barangay Pilar sa Bauang, La Union dahil sa pagpanaw ng 20 sa mga residente nilang nasangkot sa banggaan.

Walang tigil sa pag-iyak si Jerlin Cabero nang makita niya ang bangkay ng kanyang mga magulang, panganay na kapatid, at bunsong anak.

Halos hindi na makilala ang mga biktima dahil nagkalasug-lasog ang kanilang katawan sa banggaan.

Hindi sumama si Cabero sa kaniyang pamilya na bumiyahe mula Bauang, La Union papuntang Manaoag, Pangasinan.

Tradisyon na kasi ng kanilang pamilya na magsimba sa Manaoag Church tuwing madaling araw ng Pasko at makasama ang iba pang miyembro ng kanilang angkan.
    
Hustisya ang sigaw ng pamilya ng mga biktima.

Si Christy Ramiscal, namatay ang siyam na taong gulang na anak, at sugatan naman ang isa pa niyang anak. 

Sabi niya, wala na siyang magagawa pero kailangang tulungan sila ng may-ari ng bus company.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ang 68 anyos na si aling Adella Antolin, nagpaalam lang daw na magsisimba sa Our Lady of Manaoag Church pero hindi akalain ng magkakapatid na sina Lian, Joan, at Jocelyn na huling beses na pala nilang makakasama ang kanilang ina kagabi.

"Nag-aalangan pa siyang pumunta [sa simbahan] kasi wala siyang pera, kaya ang ginawa ko, binigyan ko ng pera bago ako umalis," naiiyak na kuwento ni Jocelyn.

Hindi sumama ang 20 anyos na si Aljean Cabradilla sa biyahe ng kaniyang pamilya.

Ngayon, siya na lang ang natirang buhay sa mag-anak matapos mamatay sa trahedya ang kaniyang ama, ina, at dalawang kapatid.

Nagluluksa rin ang manugang ng driver ng jeep na si Stella Garlejo dahil ulila na ang dalawang taong gulang na anak ng driver.

Si Leo Kabagbag Jr., namatayan ng asawa.

Hiling ng mga kaanak, mabigyan sila ng tulong matapos ang trahedya.

Lahat daw ng nasawi ay kabilang sa "Pantawid Pamilyang Pilipino Program" o 4Ps at pangingisda ang ikinabubuhay.

Nagpapagaling naman sa ospital ng San Fernando City, La Union ang siyam pang sakay ng jeep.

Hawak naman ng pulisya ang bus driver na si Rodel Sadac na tumangging humarap sa camera.

Ayon sa Partas company, handa silang magbigay ng tulong pinansiyal sa mga naulilang kaanak.

-- Ulat nina Teomar Bautista, Justin Aguilar, at Oman BaƱez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.