Bantay ng isang mausoleo, humihiling ng hearing aid ngayong Pasko

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 12:12 PM

Habang ang karamihan ay nagdiriwang kasama ang kani-kanilang mga pamilya, mag-isang sasalubingin ni Mang Pidiong Rafon ang kapaskuhan.

Nabubuhay si Mang Pidiong, 67, sa paglilinis ng mga puntod sa Manila North Cemetery. Halos 53 na taon na siyang namamalagi sa sementeryong ito, kung saan niya rin ipinagdiriwang ang mga nagdaang Pasko.

Hirap na siyang makarinig mula 2007 at gumagamit na lamang ng luma at halos sira-sira nang hearing aid.

Pumanaw na ang maybahay ni Mang Pidiong at may kaniya-kaniya naman nang asawa ang kanilang mga anak, kaya naiwan siyang mag-isa sa buhay at nakatira lamang siya sa mausoleong binabantayan niya.

Ngayong Pasko, may kirot sa puso ni Mang Pidiong gayong wala siyang kinita para maipambili ng kahit man lang kakaunting pang-handa.

Kadalasan, ang kita niya ay nasa P150 lamang kada linggo at kung susuwertihin ay nasa P3,000 hanggang P4,000 kada buwan kapag lalapit na ang araw ng mga patay.

"Sa ngayon ang pera ko sa bulsa mahigit P100 lang. Eh wala, walang dumarating...walang nag-aabot, anong gagawin mo? Siyempre kung anong nandyan, iyon nalang," kuwento niya sa ABS-CBN News.

Masuwerte namang binisita siya ng kanyang anak ngayong Pasko at may dumayo rin sa isang puntod na binabantayan niya kaya't may kakaunting nadelihensya.

Nadalhan rin siya ng kakaunting pagkain ng anak.

Kung hindi kasi sila dumating, aasa na lamang sana si Mang Pidiong sa ibahagi ng mga kapitbahay na nakatira rin dito sa sementeryo.

Ngayong Pasko, simple lang din ang hiling ni Mang Pidiong: ang mabigyan sana siya ng bagong hearing aid at matulungan siyang mas makarinig.

"Siyempre importante iyon, na makarinig ka, makasagot ka sa kinakausap mo. Kung hindi ka makarinig, napakahirap ng katayuan ko. Sa totoo lang kung kani-kanino kami dumadaing," aniya.