Banggaan ng tricycle at taxi, 1 patay

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 08:44 AM

Patay ang isang tricycle driver matapos salpukin ng taxi ang minamaneho niyang tricycle sa Barangay Socorro, Quezon City pasado hatinggabi ng Lunes.

Kinilala ang biktima na si Mario Diaman, 63 anyos, habang kinilala naman ang taxi driver na si Ralph Yurag, 28 anyos.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Sector 3, binabagtas ng taxi ang kahabaan ng P. Tuazon papuntang EDSA nang salpukin nito ang paparating na tricycle pagdating sa 15th Avenue.

Bumangga ang taxi sa poste. Nagkahiwa-hiwalay naman ang parte ng tricycle at tumaob ang side car nito.

Isinugod sa Quirino Memorial Medical Center si Diaman, pero idineklarang dead on arrival. Sugatan naman ang pasahero niyang si Nixon Delos Santos.

Posibleng maharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property, physical injuries at homicide. Patuloy naman ang negosasyon ng operator ng taxi at pamilya ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.