3 nasaktan nang masunog ang 10 bahay sa Tondo ngayong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 06:31 PM | Updated as of Dec 25 2017 08:10 PM

MANILA - (UPDATED) Nasaktan ang 3 tao nang sumiklab ang sunog sa mga bahay sa Gagalangin, Tondo, Lunes, araw ng Pasko. 

Dalawa sa mga nasaktan ay residente sa lugar na na-suffocate sa usok habang ang isa naman ay fire volunteer na nahulog sa gusali.

Ayon kay Sr. Insp. Reden Alumno, ang chief investigator ng Manila Fire District, nagsimula ang sunog bandang 4:30 ng hapon.

Itinaas agad ito sa ikatlong alarma bago naapula makalipas ang may isang oras.

Umabot sa 20 pamilya ang nawalan ng bahay sa araw ng Pasko at tinatayang nasa P200,000 ang pinsalang dulot ng sunog.

Ayon kay Alumno, mabuti at may firewall ang ilang bahay sa lugar kaya hindi na kumalat pa ang apoy.

Gayunman, nahirapan aniya ang mga bumbero sa pagresponde dahil sa sikip sa lugar. Hindi pa alam ang sanhi ng sunog. -- ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.