MAYNILA - Sumipa ang presyo ng lechon nang hanggang P2,000 sa tradisyonal nitong bilihan sa La Loma, Quezon City, kasabay ng paghahanda ng mga Pilipino para magsalu-salo ngayong Pasko.
Nasa P6,500 hanggang P15,000 ang presyuhan ng naturang handa.
Ayon sa mga nagtitinda, mababa ang suplay ng lechon dahil naantala ng African swine fever ang pag-deliver ng baboy.
May mga mamimili na sinubukang tawaran ng P5,000 ang mga lechon, ngunit anila, hanggang P6,000 ang maibababa nito.
Sa isang tindahan, binantayan ng isang mamimili ang inorder niyang lechon nang isang oras para aniya masiguradong maiuuwi ito, lalo aniya't maraming ibang gustong bumili.
Mas marami sana ang suplay, ngunit naipit ito sa mga probinsya dahil sa quarantine para pigilin ang pagkalat ng COVID-19, ani Antonina Cesario, may-ari ng sikat na Mila's Lechon.
Nasurpresa rin aniya ang mga nagtitinda dahil sa dami ng mga mamimili kahit pa may pandemya.
Sabi naman ng ilang mamimili, inihanda nila ang lechon upang subukang mapasaya ang Pasko sa kabila ng krisis.
- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
KAUGNAY NA BALITA:
TV PATROL, TV PATROL TOP,lechon, La Loma, holidays, Quezon City, Christmas 2020, Christmas COVID, Christmas coronavirus, Christmas pandemic