PatrolPH

Ilang manggagawa kumakayod ngayong Pasko para makabangon sa pandemya

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2020 06:29 PM | Updated as of Dec 24 2020 10:04 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Ilang oras na lang ay Pasko na pero todo kayod pa rin ang ilang manggagawang gustong makabawi sa epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan. 

Bilang call center worker, sanay na si Jay Laganzon sa holiday duty. Pero dahil sa pandemya, mas makahulugan sa kanya ang pagpasok ngayong Pasko.

"Mas na-appreciate mo 'yung trabaho kasi ang daming nawalan ng trabaho, ang hirap maghanap ngayon," ani Laganzon, na assistant operations manager ng Grab Customer Experience Group.

Ang kaibahan lang ngayon, work from home si Laganzon. Kaya tuwing break time, naisisingit niya ang pagluluto ng afritadang pang-Noche Buena.

Sa kabila nito, pinili niyang hindi muna umuwi sa pamilya sa Laguna.

"Marami kasing bata sa probinsya kaya dito ako sa apartment para safe sila... Bili na lang ako mamaya ng pagkain tapos tawag sa family," aniya.

Ang delivery rider na si Homer Lazaro, balak magtrabaho hanggang gabi. Inaasahan kasi na marami ngayon ang magpapa-deliver kaya gusto niya rin itong masulit.

"Lilipas din 'yung Pasko, paano sa susunod? Sayang 'yung opportunity... Nag-iipon po kasi ako sa tuition ng anak ko," ani Lazaro.

Ordinaryong araw ng trabaho na rin lang ang Pasko para kay nurse Dennick Salvador.

Naiintindihan ng pamilya niya ang kanyang tungkulin kaya kung ang iba naghahanda sa salo-salo para sa hatinggabi, si Salvador ay pinapabaunan ng Noche Buenang pagsasaluhan nila ng kanyang mga pasyente.

"Araw-araw ko naman po kasama pamilya ko... Pamilya na rin kasi ang tingin ko sa mga pasyente ko," aniya.

Hndi naman hangad ni Salvador na matawag na bayani. Pero gaya ng ibang frontline health worker, hangad nyang maibigay sa kanila ang mga benepisyong nararapat nilang matanggap. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.