TINGNAN: Parke, pamilihan at iba pang dinarayo sa bisperas ng Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 08:27 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Kultura na ng mga Pinoy ang puspusang paghanda para sa Pasko. 

At ngayong Martes, sa bisperas ng Pasko, kani-kaniyang pagdagsa sa mga pamilihan at parke ang ilan para paghandaan ang pagdiriwang ng pagkapanganak ni Hesus. 

Dagsa ang mga pamilya sa Rizal Park para roon na salubungin ang Pasko. 

Ang pamilya Espiritu, nagliliwaliw lang sa parke. Dumarayo pa si Catherine Espiritu mula Nueva Ecija kasama ang anak, makapiling lang ang padre de pamilya na nagtatrabaho sa siyudad ng San Juan. 

"Kasi po may work ang mister ko sa 26, so sabay-sabay na lang po kaming uuwi sa 29 para po sa New Year doon naman po kami sa amin," aniya. 

Ang iba naman, namamasyal sa iba't ibang atraksiyon tulad ng tahimik na Japanese garden. 

Nasa 400,000 ngayon ang inaasahang magdiriwang ng Kapaskuhan sa Luneta Park, ayon sa National Parks and Development Committee. 

Kung sa parke naman magpa-Pasko ang ilang pamilya, minabuti na lang ng ilang taga-Tondo, Maynila na manatili sa mga kabahayan ngayong Pasko. 

Ang residenteng si Rose Quibic, fruit salad at ham ang pagsasaluhan kasama ang limang anak sa Noche Buena. 

"Okay na, masaya na basta sama-sama," ani Quibic. 

Para naman maiba, nirolyo ni Annabelle Flores ang handang ham sa itlog at bread crumbs at pinrito. 

"Ginawa kong kakaiba para mukhang sosyal pagkain," paliwanag niya. 

Matinding pasasalamat naman niyang nakaahon sila sa hirap ng pagpanaw ng kapatid. 

"Pasko mismo namatay ang kapatid ko," aniya. 

Wala man masyadong handa, todo-hataw naman sa videoke ang ibang pamilya. 

Watch more in iWantTFC

Pero kung may ibang mananatili sa bahay, sa opisina nananatili ang ilang trabahador, gaya ng mga pulisya at mga doktor. 

Kaya naman nagbaon ng kani-kaniyang pang-Noche Buena ang ilang nurse, gaya ni Rizelle Solomon. 

Pumayag naman ang ilang employer ng call center agencies na isama ng mga empleyado ang kanilang anak sa opisina para sabay-sabay nilang salubungin ang Pasko. 

Watch more in iWantTFC

Humabol sa pamimili ng pang-Noche Buena ang ilang konsumer sa Farmer's Market, Muñoz Market, dahilan para makaranas ng pagbigat ng trapiko sa mga karatig-lugar nito. 

Mabenta ang prutas sa Farmer's Market, pero higit na siksikan sa mga bentahan ng karne at isda. 

Patok din ang mga seafood gaya ng sugpo at hipon. May ibinebenta ring mga lobster na nasa P2,500 hanggang P3,500. 

Watch more in iWantTFC

Pila rin ang inabot ng mga litsunan sa La Loma sa Quezon City. 

Sa ngayon, nasa P8,000 hanggang P9,000 ang 15 kilos ng lechon, pero may posibilidad na umakyat pa ang presyo nito. 

Kabilang sa mga dumagsa si Bubuy Escartin, na nagawang makahingi ng P2,000 discount sa pinamiling lechon. 

Nagpasalamat ang nagbebentang si Bheng Atencio na bumabawi na ngayon ang kaniyang kinikita - dala ng naging pangamba noong nakaraan sa African swine fever. 

Naging mahaba na rin ang pila ng ham sa Quiapo. 

Bukas sa araw ng Pasko ang ilang litsunan pero half-day lang ang mga ito. 

Payo ng mga tindera na mag-advance order na lang o magpa-deliver para hindi mamroblema sa trapiko at parking pagdating ng araw ng Pasko. -- May ulat nina Niko Baua, Adrian Ayalin, at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.