Mga stranded dahil sa 'Ursula' sa pantalan magpa-Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 05:39 PM | Updated as of Dec 24 2019 07:27 PM

Nananatili sa Matnog port ang mga pasaherong pa-Visayas sana para makapiling ang mga kaanak ngayong Pasko. Kanselado ang mga biyahe dahil sa inaasahang pananalasa ng bagyong Ursula. Karren Canon, ABS-CBN News

MAYNILA - Sa mga sakayan na sasalubungin ng ilang pasahero ang Pasko matapos kanselahin ang ilang biyahe dala ng inaasahang pananalasa ng bagyong Ursula. 

Magmula umaga ng Martes, bisperas ng Pasko, nasa 16,000 pasahero ang na-stranded sa iba't ibang terminal sa bansa, ayon sa Philippine Coast Guard. 

Sa Matnog port, karamihan sa mga pasahero ay galing pang Maynila at nagsumikap na makauwi sa Visayas at Mindanao para makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay. 

Masama ngayon ang loob ng pahinanteng si Oliver Haropohop, na mai-stranded pa rin kahit anim na araw na siyang nasa pantalan. 

Papunta sana si Haropohop ng Tacloban, Leyte para makapag-Pasko kasama ang asawa at dalawang anak. 

Watch more in iWantTFC

"Paano naman kami? Tao din kami eh, may pamilya din kaming naghihintay sa amin," ani Haropohop. 

Sa tabi naman ng kalsada sasalubungin ang Pasko ni Edmar Sentino kasama ang pamilya, bagay na ikinalulungkot niya. 

"Dito kami magpa-Pasko, ang pamilya namin kawawa di namin makakasama ngayong Pasko," ani Sentino. 

Kani-kaniya na lang silang puwesto sa mga passenger terminal. 

May mga bus din na galing pang Maynila na pumarada na lang sa gilid ng kalsada bunsod ng mga kanselasyon. 

Sinuspende na rin ng Land Transportation Office - Bicol ang mga biyahe ng bus mula Maynila papuntang Matnog port para maiwasang humaba pa ang pila sa pantalan. 

Nagbigay rin ng ayuda si Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa mga stranded na pasahero. 

Watch more in iWantTFC

May iilan ding bibiyahe sanang pa-Visayas ang nanatili sa Araneta Center Bus Terminal gaya nina Jerilyn Tusing at Liezel Fuentes. 

"Dito na talaga [kami]. Wala kaming choice eh," ani Tusing. 

Gayundin ang sitwasyon sa Cagayan De Oro City, na kinansela na ang kanilang mga biyahe sa Macabalan port bunsod ng bagyo. 

Kasama ng pasaherong si Bienvenido Juarez ang kaniyang asawa at apong natutulog sa karton. Pa-Cebu sana sila nang makansela ang kanilang biyahe. 

Pangamba niya, sa pantalan na nila sasalubungin ang Pasko. Pero tingin naman niya, para ito sa kaligtasan ng mga pasahero. 

Umaasa ang mga na-stranded na pasahero na di na sila abutin ng Bagong Taon sa pantalan. - May ulat nina Karren Canon at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.