Mga residente ng Visayas pinaghahanda na sa pagdating ni Bagyong Ursula

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 02:32 AM

Payo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO) ng Capiz at Iloilo sa mga naninirahan sa coastal barangays at landslide prone areas na maging alerto sa pagdating ni Bagyong Ursula.

Ayon kay Judy Pelaez, PDRRMO Capiz chief, kahit na bisperas ng Pasko, dapat na nakahanda ang mga residente na lumikas anumang oras upang makaligtas sa anumang sakuna.

Larawan mula sa PDRRMO Capiz

Sa ulat ng PAGASA, nakataas na sa Signal no. 2 ang ilang bahagi ng Visayas 2 araw bago ang Pasko. 

Ipinaubaya na rin sa mga coastal barangay sa Capiz ang mga personnel ng Bureau of Fire Protection upang masigurong naka-alerto ang mga residente at handang lumikas sakaling lumakas ang hangin at alon sa dagat, ayon kay Pelaez. 

Itinaas na rin sa blue alert ang mga disaster risk reduction offices sa rehiyon kaya aasahan ang updates sa track ng bagyong Ursula at sitwasyon sa mga lugar sa rehiyon sa bawat paglipas ng anim na oras.

Ang ilang mga residente naman sa Tacloban, nakahanda nang lumikas kapag binigyan na ng mga opisyal ng abiso na lisanin na ang kanilang mga bahay. 

Ayon kay Charo Orbong ng San Jose, natatakot na sila tuwing may bagyo ngunit handa naman silang lumikas agad.

“Ganyan talaga ako, ‘pag may bagyo na talaga, naghahanda na ako ng mga dadalhin naming gamit…pag may low pressure area hindi kami nakakatulog,” ani Orbong. 
 
Importante naman para sa mangingisdang si Dennis na maging ligtas ang kanyang pamilya. 
 
“Basta ang mga bata, ligtas sila, kami na lang maiwan dito,” aniya.
 
Itinaas na rin sa blue alert status ang buong disaster risk reduction offices sa Tacloban kaya aasahan ang updates sa track ng bagyong Ursula at sitwasyon sa mga lugar sa rehiyon sa bawat paglipas ng anim na oras. - ulat nina Jenette Fariola-Ruedas at Cherry Palma, ABS-CBN News