Mga naulila sa 'nakalalason' na lambanog mapait ang salubong sa Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 05:39 PM | Updated as of Dec 24 2019 07:43 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Hindi alam ni Maricris Dimayuga kung paano ipagdiriwang ang Pasko ngayong namatay ang anak niyang si Maricris sa pag-inom umano ng lambanog sa bayan ng Rizal sa Laguna.

Naulila ni Maricris ang 6 anyos na anak, bagay na inaalala ni Dimayuga.

"Naawa pati ako sa anak [ni Maricris] sabi niya (ng anak) 'Gusto ko kasama ko mama ko sa Pasko.' Sabi ko, 'Kasama natin, hindi natin iaalis sa bahay hangga't hindi nakaka-Pasko,'" kuwento niya.

Nakalagak ngayon sa bahay ng pamilyang Dimayuga ang mga labi ni Ligaya, na isa sa 15 na nasawi sa pag-inom ng lambanog sa bayan ng Rizal, Laguna at sa Candelaria, Quezon. 

Tatlo na ang naitalang patay sa bayan ng Candelaria. 

Imbes na Noche Buena, lamay ang inihahanda ng mga kaanak ng magpinsang Christian at Ernesto Aguilar sa Candelaria, Quezon. 

"Sabi ko nga, kahit pa utang nang utang, basta mag-survive lang siya, wala sa aking problema basta mailigtas lang. Pero ginawa namin lahat e. Inilaban namin siya hanggang sa huli," ani Ronneth Agular, asawa ng isa sa mga biktima. 

Watch more in iWantTFC

Mula 10, pumalo na sa 12 ang nasawi sa bayan ng Rizal, nang pumanaw ang dalawa pa sa Philippine General Hospital at Rizal Medical Center. 

Higit 300 na rin ang naospital, kung saan 28 ang kusang nagpasugod sa ospital matapos makainom ng lambanog para makasiguradong ligtas sila. 

Samantala, hindi na muli nagpakita sa mga awtoridad si Fred Rey, ang may-ari ng brand ng Rey Lambanog, na itinuturong nasa likod ng pagkalason. 

Wala ring imik umano ang abogado ni Rey, ayon sa Rizal Police. 

"Hindi po namin masabi kung nagtatago na siya pero sabi niya gusto naman niya makipagtulungan sa akin. Hindi na po makontak ang kaniyang cellphone sa ngayon," ani Lindley Tibuc, hepe ng Rizal Police. 

Sa kabila nito, walang plano ang ilang pamilya na magdemanda kontra kay Rey. 

"Hahaba pa, tahimik na lang kami, tulong na lang ang aming hinihingi," ani Petronilo Monserrat, anak ng isa sa mga biktima. 

Pinapangambahan naman ngayon ng San Juan Lambanog Regulatory Board na tatamlay ang kanilang industriya kasunod ng serye ng pagpanaw ng umiinom umano ng lambanog sa Calabarzon. 

Ipinatigil na rin pansamantala ang pagbenta ng lambanog sa buong Calabarzon, na malaking dagok daw sa industriya ngayong "peak season" sa Kapaskuhan ang pag-inom ng lambanog, ayon kay Atty. Grenalyn Virtusio, vice chairman ng grupo. 

Nais naman ni Laguna 3rd District Rep. Sol Aragones na repasohin ng Kongreso ang regulasyon sa pagbebenta ng lambanog. 

"Kung maaari ay ma-review ang existing na batas na may kinalaman sa anumang produktong itinitinda at repasuhin din kung kinakailangan ang ating mga equipment," ani Aragones. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.