Higit P800-M shabu nakuha mula sa dayuhan sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 05:31 AM | Updated as of Dec 24 2019 05:32 AM

MANILA — Nasamsam ang nasa P802 milyon na halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang lalaking Chinese sa Barangay Sienna, Quezon City ngayong Bisperas ng Pasko, Martes. 

Nasa isang buwan na tiniktikan ng mga awtoridad ang suspek na si alyas Francis bago sila nakabili ng 2 kilo ng droga mula rito sa Tabayoc Street, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency special enforcement team leader Lorenzo Advincula Jr. 

Nang aarestuhin na, tumakbo aniya ang suspek pabalik sa kaniyang bahay, kung saang nasamsam sa kusina ang nasa 118 kilo ng shabu na nakasilid sa mga tea pack. 

Inaalam pa kung saan nanggaling ang iligal na droga at kung miyembro ng drug group ang suspek na isang taon nang naninirahan sa Barangay Sienna, dagdag ni Advincula. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.