Higit 900 pasahero stranded sa Batangas Port dahil sa Bagyong Ursula

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 04:18 AM

BATANGAS CITY—Hindi muna makakabiyahe ang higit 900 pasahero sa Batangas Port na nais sanang magpasko kasama ang mga pamilya sa probinsiya nitong Lunes, dahil sa pagdating ng Bagyong Ursula.

Larawan mula sa Oriental Mindoro PIO

Bunsod ng pagtaas ng Signal no. 1 sa probinsiya ng Batangas, kanselado simula alas-11 ng gabi ng Lunes ang biyahe ng mga RORO vessel at fastcraft sa Batangas Port patungong Oriental Mindoro, Caticlan, Aklan, at ibang bahagi ng Visayas.

May 79 na sasakyan din ang natengga sa pantalan.

Ayon sa PAGASA, bisperas ng Pasko posibleng mag-landfall sa Eastern Visayas ang Bagyong Ursula at tatawid ng Palawan palabas ng West Philippine Sea.

Abiso sa mga pasahero ng Asian Terminal Incorporated na namamahala sa port, huwag na munang magtungo sa pantalan hangga’t di inaalis ng PAGASA ang babala sa paglalayag.—Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.