Hepe ng pulisya at driver nito, patay sa ambush sa Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 07:30 PM | Updated as of Dec 24 2019 09:02 PM

COTABATO CITY - In-ambush at pinatay ng mga armadong lalaki ang hepe ng pulisya ng bayan ng Binidayan, Lanao del Sur at ang kasamang driver nito Sabado ng gabi. 

Dead on the spot si Police Master Sgt. Lucman Macalangan at ang driver ng sasakyan niya na si Ramel Pangcatan habang nakaligtas naman ang 2 nilang kasama. 

Si Macalangan ang officer-in-charge o pansamantalang hepe ng Binidayan​. 

Ayon sa Lanao del Sur Provincial Police Office, pabalik na sana sa Binidayan police station ang mga biktima mula sa command conference nang tambangan ng mga armadong lalaki pasado alas-6 ng gabi.

“Inabangan sila ng mga armado sa may maisan. Nakapag-retaliate pa (sila) pero di na kinaya,” sabi ni Police Lt. Col. Arger Ancheta, deputy provincial director ng Lanao del Sur police.

Kumbinsido ang mga awtoridad na si Macalangan ang target sa pananambang. May kinalaman din umano sa trabaho nito ang motibo ng krimen.

“Magaling siya magtrabaho. Bago 'yun, may nahuli siyang illegal logs at fake cigars, ilan 'yun sa tinitingnan namin na angle,” dagdag ni Ancheta.

Ayon sa PNP, mayroon na umano silang mga persons of interest kaugnay ng pananambang.

Sisikapin umano nilang agad na mahuli ang mga taong nasa likod ng insidente para mabigyang hustisya ang pagkamatay ng mga biktima. --Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.