Bise alkalde ng bayan sa Maguindanao sugatan sa pananambang

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 03:11 PM | Updated as of Dec 25 2019 01:51 AM

(UPDATE) Sugatan ang bise alkalde ng bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao at 2 nitong kasama matapos tambangan sa probinsiya nitong Martes ng hapon, bisperas ng Pasko.

Nagmamaneho si Vice Mayor Akmad Mitra Ampatuan nang mangyari ang insidente, ayon sa pulisya. Ito na ang pangalawang beses na may nagtangka sa kaniyang buhay.

Ayon kay Shariff Aguak Mayor Marop Ampatuan, stable na ang kondisyon ng kaniyang amang bise alkalde.

Samantala, hindi naman nakaligtas ang kasama nitong si Barangay Tapikan Kagawad Elham Pasawilan Khalid alyas "Axel."

Patuloy pa ring inoobserbahan ang lagay ng isa pa nilang kasama na si Akmad Lumenda Ampatuan.

Ayon sa pulisya, galing umano ang mga opisyal sa munisipyo ng bayan at pauwi na sana sakay ng SUV ni Vice Mayor Ampatuan nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan.

Ilang metro lamang ang layo ng pinangyarihan ng insidente mula sa isang military checkpoint.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Si Vice Mayor Ampatuan ay dating malapit kay yumaong Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan Sr., na nasangkot sa 2009 Maguindanao massacre. 

Umanib siya kalaunan kay Maguindanao 2nd district Rep. Esmael Toto Mangudadatu, ang target ng pinakamarahas na election-related violence sa bansa.

Noong nakaraang linggo, hinatulan ang ilan sa mga anak ni Andal Sr. ng pagkakakulong ng 40 taon dahil sa karumal-dumal na pagpaslang sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, na noo'y magfa-file sana ng certificate of candidacy ni Mangudadatu. 

Namatay si Andal Sr. noong Hulyo 2015 habang nililitis sa kaso. 

--Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.