Ano ang kahulugan ng pagreregalo ng ampao?

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 08:44 AM

Nakagawian na ng mga matatanda na magregalo sa kanilang mga anak o apo tuwing Pasko o Bagong Taon ng ampao, isang pulang sobre na naglalaman ng pera.

Ang pagbibigay ng ampao sa mga bata ay nangangahulugan ng pagpasa ng mga nakatatanda ng kanilang longevity o mahabang buhay, maging ang kanilang mga tagumpay, ayon sa feng shui expert na si Master Hanz Cua.

"Di ba matanda na si lolo, 60, 70? Kapag binibigyan nila ng ampao ang apo, ibig sabihin parang ipinapasa ng old generation ang kanilang achievements at accomplishments sa buhay," ani Cua sa panayam ng ABS-CBN News.

Maganda sana kung ang halaga ng laman ng ampao ay nagtatapos sa numerong 8, ayon kay Cua.

Nag-umpisa sa China ang tradisyon ng pamimigay ng ampao. May mga kaparehong kaugalian ito sa ibang mga bansa sa East Asia at Southeast Asia.

Kahanay ng ampao ang iba pang masuwerteng regalo ngayong holidays gaya ng eyeglasses, alkansiya, mga prutas, at iba pa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.