3 patay sa lambanog sa Candelaria; 1 comatose sa ospital

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 04:22 AM

QUEZON—Umakyat na sa 3 ang bilang ng mga nasawi sa Candelaria, Quezon matapos malason ng ininom umanong lambanog noong Biyernes.

Kinilala ng Candelaria Police ang ikatlong namatay na si Christian Duarte Aguilar, 25 anyos, isang tricycle driver.

Si Christian ang isa sa dalawang comatose sa United Candelaria Doctors Hospital na nakainuman at kaanak ng namatay din na si Ernesto Aguilar, 54 anyos.

Patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang kalagayan ng isa pang nakainuman nila na comatose din hanggang ngayon.

Una nang nadischarge sa ospital noong isang araw ang apat na kainuman nina Christian at Ernesto matapos magamot.

Namatay naman sa hiwalay na inuman sa parehong barangay ang 28 anyos na si Marvin Macatangay.

Sa ulat ng pulis, sinabi ni Dr. Ronald Ty na alas-4:23 ng hapon ng Disyembre 23 nang pumanaw si Christian dahil sa acute respiratory failure.

Naiturnover na ng pulisya sa Municipal Health Officer ng Candelaria at tauhan ng Food and Drug Administration sa pangunguna ni Special Investigator Frededelito Ubana ang lambanog samples mula sa Rey Store na binilhan ng mga alak para suriin.—Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.