150 katutubo sinagip sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 04:27 AM

QUEZON CITY—Sapilitang isinakay ng mga tauhan ng Quezon City (QC) Task Force ang mahigit 150 katutubong Badjao na namamasko sa Agham Road.

Nagdagsaan ang mga pamilyang katutubo nitong Disyembre 18 mula Lucena, Quezon para mamalimos umano sa Maynila.

Ayon kay Rannie Ludovica, QC Task Force Disiplina, delikado ang ginagawa ng mga katutubo lalo na’t marami silang mga kasamang mga bata’t sanggol. 

“May mga natanggap kaming tawag na nandito nga sila. Nanganganib ang buhay nila, eh national road ito. Kaya ito iprofile natin. Bigyan ng pagkain,” ani Ludovica.

Ayon naman kay Dante Sairani, isa sa mga katutubo, kusa silang uuwi sana pagkatapos ng Pasko at gusto lang sana nilang madagdagan ang kita ngayon.

“Para na rin sa mga bata, para may panggastos,” ani Sairani. 
Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng QC na magbibigay ng tulong sa mga pamilyang namamasko, bago sila pauuwiin sa Lucena, Quezon.

Dinala muna ang mga katutubo sa covered court ng Barangay Batasan Hills para makapanayam ng Department of Social Welfare and Development. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.