11 katao naospital dahil sa ‘food poisoning’ sa Davao Del Sur

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 12:58 AM | Updated as of Dec 24 2019 04:11 AM

DAVAO DEL SUR — Dinala sa Davao Del Sur Provincial Hospital ang 11 katao sa kaso umanong food poisoning matapos magreklamo ng pagsusuka at pagtatae, Linggo ng hapon sa Matanao, Davao del Sur.

Mga biktima ng food poison sa Matanao, Davao Del Sur na dinala sa emergency shelter dahil hindi magamit ang gusali ng provincial hospital matapos mapinsala sa lindol. ABS-CBN News

Ayon kay Hazel Gabin, isa sa mga ginagamot sa ospital, bago sumakit ang kanyang tiyan ay kumain siya ng spaghetti.

"Nag-alala ako kasi may baby pa ako, nahirapan ako huminga, tapos nagtatae na ako," ani Gabin.

Ayon naman Cristina, dala nila ang spaghetti mula sa kanilang reunion sa Padada Davao Del Sur, at inuwi nila para may makain pa.

Wala silang naamoy o nakita sa spaghetti na nasira na ito kaya binigay na rin nila ito sa mga kapitbahay na pawang mga bakwit rin dahil sa lindol.

"Nasanay na kasi kami na magspaghetti sa reunion, dinala namin, inilagay namin sa selopin, kumain sila sabi nila masakit na tiyan nila" sabi ni Cristina.

Sa tala ng Rural Health Unit (RHU) ng Matanao, mga batang edad 1 taon hanggang 16 taong gulang ang dinala sa ospital, habang tatlo indibidwal ang nagreklamo ng pananakit ng tiyan ang hindi na nagpaospital.

"Dapat ang nag-prepare malinis talaga, mag-handwash, ang area kung saan nagprepare dapat malinis, dapat ire-heat na rin ang spaghetti" sabi ni Joy Madayag, nurse sa RHU.

Ligtas naman sa peligro ang mga naospital at pinauwi na sila nitong lunes ng umaga.—Ulat ni Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News