PatrolPH

Pamilya Batocabe handang magpatawad pero...

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2018 08:28 PM | Updated as of Jul 15 2019 12:09 PM

Watch more on iWantTFC

Handang patawarin ng pamilya ni AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe ang mga pumatay sa kanilang padre de pamilya kung ituturo ng mga ito ang mastermind sa krimen, sabi ngayong Lunes ng anak ng kongresista. 

"Ngayon po, dahil Pasko, handa po ang pamilya namin na magpatawad kung sino man po ang least guilty pero nakakaalam sa buong detalye," sabi ng anak ni Batocabe na si Justin sa isang press conference.

"Handa kaming patawarin kayo, halikan ang inyong mga kamay, ipasok kayo sa witness protection program, ituro niyo lang ang mastermind at ibibigay pa rin ang cash reward," dagdag ni Justin.

Umabot na sa P30 milyon ang halaga ng pabuyang maaaring matanggap ng makapagtuturo sa mastermind at gunmen na nakapatay kay Batocabe.

Namimigay ng mga regalo sa mga senior citizen at persons with disability si Batocabe noong Sabado sa bayan ng Daraga, Albay nang pagbabarilin sila ng kaniyang police escort ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Bukod kay Batocabe, napatay din ang escort na si Senior Police Officer 2 Orlando Diaz, na nagtamo ng walong tama ng bala. Ilang senior citizen din ang nasugatan sa insidente.

Nasa huling termino na ng pagkakongresista si Batocabe, 52, at tatakbo sanang alkalde ng Daraga sa halalan sa susunod na taon.

Dahil dito, politika ang isa sa mga sinisilip na motibo sa pagpaslang sa kongresista, sabi ni Chief Superintendent Arnel Escobal, hepe ng Bicol police. 

Inihayag din ni Batocabe kamakailan ang kaniyang pagkabahala sa mga kalaban sa pagkaalkalde, na gumagamit daw ng mga armadong grupo para maimpluwensiyahan ang halalan, ani Escobel.

May pagkakatulad din daw ang paraan ng pagpatay kay Batocabe sa paraan ng pagpatay ng mga gun-for-hire group na kadalasang kinukuha ng mga "unscrupulous politicians" o mga politikong walang prinsipyo, ani Escobal.

Sa kabila ng pagpatay kay Batocabe, sinabi ni Justin na mayroon pa ring manggagaling sa kanilang pamilya na tatakbo sa pagkaalkalde ng Daraga.

"That is not finalized as of the moment but there will be a Batocabe who will run for mayor for Daraga," ani Justin.

Watch more on iWantTFC

Bukod sa politika, ayon kay Escobel, tinitingnan din ng mga imbestigador kung may kinalaman ang pagkamatay ni Batocabe sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa armadong sangay nitong New People's Army (NPA).

"'Yong pinangyarihan po na lugar is highly influenced ng mga CPP-NPA, itong tinatawag nating communist-terrorist group," ani Escobel.

May anim na persons of interest na ang pulisya, ani Escobal, matapos makakuha ng mga pahayag mula sa mga testigo.

Bumuo na ng special task group ang Philippine National Police (PNP) para tutukan ang kaso at sa agarang pagdakip sa mga nasa likod ng pagpatay. 

Pangungunahan ng Criminal Investigation and Detection Group ang task group, sabi ngayong Lunes ni PNP chief Director General Oscar Albayalde. 

Sinibak din ang hepe ng Albay police matapos ang pamamaril para mabigyan daan ang isang "impartial investigation" sa pagpatay.

--Ulat nina Jose Carretero at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.